MANILA, Philippines – Nasilat ang planong pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army sa isa sa mga bayan ng Bondoc Peninsula sa Quezon makaraang maharang ng militar at pulisya na ikinasawi ng apat na rebelde kahapon.
Sa phone interview, sinabi ni Lt. Col. Dennis Perez, Commander ng Army’s 74th Infantry Battalion (IB), dalawa sa mga napaslang ay narekober sa loob ng bus habang dalawa pa ay pawang inaalam ang pagkakakilanlan.
Lumilitaw na kinomander ng mga rebelde ang RR Bus Liner sa bayan ng San Francisco, Quezon subalit nagawang makapag-text ng pulisya at sundalo kaya hinarang sa checkpoint ang bus pero pinaputukan ng mga rebelde.
Gayon pa man, pagsapit sa isa namang checkpoint sa Mulanay, Quezon ay muling pinaputukan ng mga rebelde na tumangging huminto hanggang sa sumapit ang habulan sa pangatlong checkpoint sa tapat mismo ng himpilan ng 74th IB sa Brgy. Ahos, Catanauan, Quezon.
Isa sa mga rebelde ang nadakip at isinasailalim na sa masusing imbestigasyon habang isa pang rebelde ang sugatang isinugod sa ospital.
Lumilitaw na may dadaanang mga kasamahan ang mga rebeldeng na sinasabing may planong salakayin ang bayan na nasasakupan ng Bondoc Peninsula.