Basbas ni P-Noy kailangan sa Zambales-Tarlac highway
ZAMBALES, Philippines — Basbas na lamang ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kailangan para maipatayo ang superhighway na mag-uugnay sa Zambales at Tarlac.
Ito ang pahayag ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. matapos ang pakikipagdiyalogo kay Tarlac Gov. Victor Yap kung saan hiniling kay Pangulong Aquino na unahin ang nabanggit na proyekto upang mapabilis ang pag-unlad ng dalawang lalawigan, at karatig bayan.
“Kami ay nakiusap sa Pangulo, at umaasa rin na ito ay magiging legacy project ng kanyang administrasyon dahil siya ay nagmula sa Tarlac,” dagdag pa ni Ebdane sa harap ng mga bagong halal na opisyal ng barangay sa isinagawang mass induction.
“Kung sakali aniya na matuloy ang proyekto sa ilalim ng termino ni P-Noy, isa itong malaking kredito para sa Presidente dahil ang Zambales-Tarlac Highway ay itinuturing na matagal nang pangarap noon pang 1901,” pahayag pa ni Ebdane.
Sinimulan na ang konstruksiyon ng nabanggit na highway sa magkabilang panig ng Zambales at Tarlac may ilang dekada na ang nakalipas, subalit pansamantalang natigil matapos ang pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Nabatid pa kay Ebdane na nakapaglaan na ng pondong P50 milyon ang nakalipas na pamahalaan sa nasabing highway katuwang ang Department of Public Works and Highway noong nakaraang taon kung saan sinimulan ang kalsada sa kabundukan ng Zambales na ginastusan ng P15 milyon.
- Latest
- Trending