COTABATO CITY, Philippines – Pinabulagta ang isang vice mayor na kilalang loyal henchman ng mga Ampatuans makaraang barilin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa bahagi ng Davao City kahapon ng umaga.
Kinilala ang napaslang na si Vice Mayor Alex Tomawis kung saan nasa ikatlong termino sa bayan ng Barira, Maguindanao matapos manalo noong Mayo 10, 2010 eleksyon.
Si Tomawis na sinasabing tagasunod ng Ampatuan clan partikular ng nakakulong na si dating Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan ay popular dahil sa political alliance sa limang alkalde sa 1st district ng Maguindanao.
Naunang kumalat ang balita na si Tomawis ay lalahok sa governatorial race sa Maguindanao sa 2013 local elections. Naging kontrobersyal si Tomawis noong nakalipas na barangay elections matapos harangin ng Army’s 603rd Brigade ang kanyang convoy.
Nasamsam ng militar sa convoy ni Tomawis ang mga election paraphernalia at balota para sa ilang barangay sa mga bayan ng Barira at Buldon, Maguindanao kung saan ang kanyang misis ay alkalde.