MANILA, Philippines - Dahilan sa matinding selos, nasa hot water ngayon ang isang Army Captain matapos itong paratangang walang habas na nagpaputok umano ng baril sa harapan ng tahanan ng isang abogado sa Purok 4, Lianga, Surigao del Sur, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 13, kinilala ang inakusahang opisyal na si Captain Romeo Galabay, ng Army’s 58th Infantry Battalion (IB). Ayon sa imbestigasyon, isang lalaki ang nakitang bumaba sa sasakyan sa nasabing lugar saka pinagbabaril ang bahay ni Atty. Carlito Alvizo bandang alas-11 ng gabi may dalawang araw na ang nakalilipas. Narekober naman ng pulisya ang walong basyo ng bala ng cal. 45 pistol. Sa panig ni Major Noli Kanashiro, Spokesman ng Army’s 4th Infantry Division (ID) ang suspek ay natukoy umano sa pamamagitan ng plate number ng sasakyan nito na isang kulay abong Toyota Corolla (TAJ -483 ) na nakitang dumaan sa lugar pero ‘di malinaw kung ito nga ang namaril. Sa kabila nito, ayon kay Kanashiro ay hindi nila kukunsintihin si Galabay sakaling mapatunayang positibo ang reklamo laban dito kung saan ipinag-utos na ni 4th ID Commander Major Gen. Victor Felix ang pagsailalim rito sa pre trial investigation ng Judge Advocate General Office (JAGO).