1 patay, 16 sugatan sa umatras na jeep

ANTIPOLO CITY, Rizal­, Philippines — Isang 55-anyos na ginang ang nasawi habang sugatan naman ang 16 na pasahero ng isang jeep makaraang mawalan ito ng preno at dumausdos pa­baba sa matarik na kal­sada bago sumalpok sa isang pa­der, kamakalawa ng uma­ga sa lungsod na ito.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang na­sawing bik­tima na si Violeta Gumapac, may-asawa, re­si­­dente ng Sitio Pinagminahan, Ba­rangay San Luis ng nasa­bing lungsod.

Isinugod naman sa An­ti­polo District Hospital ang mga sugatang pasahero ng nasabing jeepney.

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng jeep na si  Manuel Badango, 64-anyos, may asawa, negosyante at residente naman ng  #1415 Ca­samias st., Sampaloc, Manila.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng hapon sa La Salle Ave­nue, Town and Country Homes, Sitio Pinagminahan, Brgy. San Luis, Antipolo City.

Nabatid na nakatayo ang biktima sa gilid ng kal­sada nang maatrasan at mapailalim sa umatras na pampasaherong jeep na minamaneho ni Badango. 

Paakyat sa matarik na kalsada ang jeep nang big­lang mawalan ito ng kontrol at preno hanggang sa dumausdos ito pababa at mabangga ang nasawi.

Show comments