SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Sa ikatlong pagkakataon, muling magpupulong ang lahat ng halal na municipal at city councilor para sa tatlong araw na edukasyon ukol sa lehislatura sa Subic Freeport bukas (Nob. 24).
Sa pahayag ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Administrator Armand Arreza, ang nabanggit na okasyon na inorganisa ng Philippine Councilors’ League ay gaganapin sa Subic Bay Exhibition and Convention Center.
Inaasahang nagkaroon ng komprehensibong kaalaman ang mga dadalo sa tamang pagbalangkas ng batas, deliberasyon sa konseho at iba pang kaalaman sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin.
Kabilang sa mga pangunahing tagapagsalita ay sina Sen. Richard Gordon at Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr.
Ilulunsad din ang Local Legislative Academy na pinagtibay sa pakikipagtulungan ng PCL at University of Makati.
“Ang pagtatag ng akademya ay bilang tugon sa pangangailangan ng mga lokal na mambabatas upang higit na mapagsilbihan ang nasasakupan sa pamamagitan ng mas mahusay na pagganap sa tungkulin sa loob ng konseho,” pahayag naman ni Olongapo City Councilor Gina Perez.