LEGAZPI CITY, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 27-anyos na bakasyunistang sundalo sa patuloy na paghahasik ng lagim ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Pangyawan, Barangay Taysan sa Legazpi City, Albay noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Abelardo Borromeo, hepe ng pulisya, naganap ang krimen habang si PFC Ronnel Galvez ng Phil. Army ay sumasayaw sa plaza dahil sa kapistahan ng kanilang lugar.
“Pfc Galvez was on weekend leave status since yesterday afternoon. He was with some friends when he was approached by two pistol-wielding gunmen who shot him at close range,” pahayag naman ni Col. Leoncio Cirunay, operations office ng 9th Infantry Division.
Napag-alamang nagbakasyon lamang ang biktima dahil matagal na nitong hindi nakikita ang kanyang pamilya at nakadestino sa malayong lugar.
Lumilitaw din na binalaan ng kaniyang mga superior si Galvez kaugnay sa inisyung shoot to kill order ng NPA laban sa mga sundalo ng AFP kung saan nadiskubreng kasama ang kanyang pangalan.