BULAKAN, Bulacan, Philippines — Isang higanteng pawikan na aabot sa 50 kilo ang bigat ang nailigtas ng mga mangingisda makaraang sumabit ito sa lambat sa isang baybayin sa Brgy. Taliptip sa bayang ito.
Base sa report, dakong alas-2:10 ng hapon habang naglalatag ng malaking lambat sina Edgar Pilapil, 39; Jaime Carpio, 52; at Noel Orias pawang mga residente ng Brgy. Sta. Ana sakay ng kanilang bangka upang manghuli ng mga isda sa baybaying-dagat ng Wawang Dapdap na malambat ang higanteng pawikan.
Ayon naman kay Forester Gloria Aberin ng DENR CENRO na nakabase sa bayan ng Guiguinto, nagresponde sa naturang lugar, may sukat na 31-1/2 x 23 talampakan at may tatlong taong gulang ang naturang pawikan.
Nabatid na may mga gasgas pa sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang pawikan na pinaniniwalaang galing sa mga matalim na bahagi ng baybayin.