CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Napaslang ang dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng holdapan makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Barangay Tambo sa bayan ng Pamplona, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang mga napaslang na sina Roberto Nazaret ng Barangay San Vicente, Pamplona, CamSur at Raymund Lamadrid ng Barangay Bikti, Bulacan. Ayon kay P/Supt. Enrique Magalona, hinoldap ng dalawa ang isang negosyante sa Barangay Burabod sa bayan ng Tigaon. Nabatid na namataan ang dalawa na lulan ng motorsiklo kaya hinabol ng mga operatiba ng pulisya hanggang sa maganap ang shootout. Narekober ang dalawang baril, Acer laptop, dalawang granada at mga bala ng baril.