Bodega ng paputok sumabog
BULACAN, Philippines – Nagutay ang katawan at nasawi ang 54-anyos na biyuda habang siyam na iba pa ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang bodega na pagawaan ng iligal na paputok sa Sitio Tugatog, Brgy. Marungko sa bayan ng Angat, Bulacan noong Lunes ng gabi.
Idineklarang patay sa Norzagaray Municipal Hospital si Linda Reyes matapos mabagsakan ng kongretong pader dahil sa pagsabog.
Patuloy namang ginagamot sa Bulacan Medical Center sina Edgardo Padua, 17; Gena Biarcal, 33; Juvilyn Alvarez,16; Angelita Dizo, 45; Julia Aspe, 30; at ang tatlong trabahador sa pagawaan ng paputok na sina Alejandro Cruz, 30, Angelito Cruz, 36; Wiwi Lorenzo, 30, naisugod naman sa Rogaciono Mercado Memorial District Hospital sa bayan ng Sta. Maria.
Ayon sa police report, nagsimula ang pagsabog habang pinuputol ni Angelito ang mitsa ng paputok na kanyang ginagawa.
Bunsod nito ay sunud-sunod ang malalakas na pagsabog at kumalat ang apoy sa mga kalapit na barung-barong na gawa sa mahihinang materyales.
Aabot naman sa P.5 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa pagsabog.
Nabatid na ginawang imbakan ng paputok ang nabanggit na lugar na sinasabing pag-aari ng mag-asawang Allan at Beverly Sarmiento na ngayon ay nahaharap sa mga kasong kriminal. Dino Balabo at Joy Cantos
- Latest
- Trending