P7-M cocaine nasamsam sa buy-bust
ILOILO CITY, Philippines — Kalaboso ang binagsakan ng isang mister na ex-shabu pusher makaraang makumpiskahan ng P7-milyong halaga ng high-grade cocaine sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bayan ng Miag-ao, Iloilo kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Regional Director Paul Ledesma, ang nasamsam na cocaine sa suspek na si Carlito S. Buen ay pinaniniwalaang bahagi ng droga na ibinagsak ng drug syndicate sa karagatan ng Samar dahil sa magkahalintulad na pakete sa mga naunang nasabat.
Nabatid na si Buen na hindi naman kasama sa high-profile drug personality ay nasa talaan ng PDEA na nagpapakalat ng methampetamine hydrochloride (shabu), subalit nahinto sa hindi nabatid na dahilan.
Hindi naman pinaniwalaan ng PDEA ang alibi ni Buen na ang cocaine ay nagmula sa Metro Manila.
Lumilitaw na minomonitor ng PDEA ang kilos ni Buen sa loob ng isang buwan matapos maaresto ang isang drug pusher na nagmula sa compound ng pamilya Buen sa Barangay Maninila.
Dito na inilatag ang buy-bust operation kung saan naaresto si Buen sa loob ng kanyang tahanan matapos tumanggap ng mark money sa isang tauhan ng PDEA na nagpanggap na poseur-buyer
Nadiskubre ang cocaine at iba pang materyales ng bawal na droga sa ilalim ng kama ni Buen. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending