HAGONOY, Bulacan, Philippines — Payapa at tagumpay ang isinagawang special elections sa unang distrito ng Bulacan kahapon, ngunit madalang ang bumoto.
Nilinaw din ng Commission on Elections sa Bulacan na, hindi totoo ang mga agam-agam na failure of elections dahil sa matumal na halalan.
“Peace at successful ang special election. Walang failure, dahil lahat ng presinto ay nag-function,” ani Atty. Sabino Mejarito, ang Provincial Election Supervisor sa Bulacan.
Sinabi ni Mejarito na nagsimula sa oras ang botohan at walang naitalang insidente ng kaguluhan o karahasan sa unang distrito na binubuo ng mga bayan ng Bulakan, Paombong, Hagonoy, Calumpit, Pulilan at lungsod ng Malolos.
Ayon sa ilang kasapi ng Board of Election Inspector (BEI), parang walang interes bumoto ang mga tao.
“Hindi pa nangangalahati,” aning isang babaeng BEI sa bayang ito na nakapanayam ng PSN bago magtanghalian kahapon.
Ang unang distrito ng Bulacan ay binubuo ng 331,639 rehistradong botante kung saan ang pinakamarami o 100,221 ay matatagpuan sa Malolos.
Samantalang ang bayan ng Hagonoy na may botanteng 65,944, Calumpit (52,139), Pulilan (48,398), Bulakan (38,833), at Paombong na may 26,104.