BULACAN, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ama at apong babae makaraang pagtatagain saka nilitson ng sariling kamag-anak na may diperensya sa pag-iisip sa loob ng kanilang bahay sa Purok 8, Barangay Tungko Manga sa San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng madaling-araw.
Halos matusta at magkaputul-putol ang katawan nina Arturo Relano Sr., 56, Jennifer Relano, 30, ex-OFW sa Japan, asawa ng pulis-Calamba, Laguna at anak nitong apat na buwang gulang na si Kailyn Aki Villanueva.
Naaresto naman ang suspek na si Allan Relano, 25, ng Purok 8, Carmel Farms sa nabanggit na barangay.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Freddie Ferrer, naalimpungatan ang isa pang kamag-anak ng mag-ama na si Arturo Relano Jr. na nakatira sa katabing bahay dahil sa pagkawala ng kuryente sa kanilang lugar.
Agad na dumungaw sa bintana si Arturo Jr. kung saan namataan nitong nasusunog na ang bahay ng mag-ama kaya kaagad naman rumesponde para sumaklolo.
Dito bumungad ang duguang mga katawan ng tatlo malapit sa pintuan ng bahay na natupok ng apoy.
May palatandaan pinagtataga bago binuhusan ng gasolina ang mga biktima saka sinilaban sa loob mismo ng kanilang bahay.
Narekober nina PO2 Chris Vicente at PO1 Carlo Leal ang ginamit na palakol sa pamamaslang at plastic container ng gasoline sa likurang bahagi ng bahay habang aabot sa P.2 milyong ari-arian ang naabo.