BULACAN, Philippines — Nasungkit ng mga estudyanteng Bulakenyo ang gintong medalya sa katatapos na World Robot Olympiad (WRO) matapos ang dalawang araw na paligsahan kahapon kung saan ay nilampaso nila ang kinatawan mula sa 21 bansa.
Tatlong iba pang koponan na kumatawan sa bansa sa WRO ang pumasok sa top 5 ng iba't ibang kategorya sa nasabing paligsahan sa SMX Convention Center sa kabila ng mga security advisory ng ibang bansa sa Pilipinas.
Kabilang sa mga Bulakenyong estudyante na kumatawan sa bansa sa junior high school category matapos pangunahan ang Philippine Robot Olympics (PRO) elimination sa unang bahagi ng taon ay sina Adiel De Jesus, Ma. Nerrisa Nicolas, Ellaine Bulaclac, at si Alexandra Guevarra na pawang mag-aaral ng Dr. Yanga Colleges Inc. sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Ang iba pang koponan na kumatawan sa bansa sa WRO ay nagmula sa International School of Manila at Grace Christian Colleges High School na pumangatlo at pumang-apat ayon sa pagkakasunod sa junior high school open category na pinagharian ng mga mag-aaral ng DYCI.
Sa elementary category, nasungkit ng Tibagan National High School ang medalyang pilak sa regular category kung saan ang koponan ng DYCI elementary ay hindi nakapasok sa finals.
“This victory is a tribute to our country and to previous members of the DYCI team,” ani Edgar Yanga, executive vice president ng DYCI.
Noong 2009, ika-9 na puwesto ang pangkat ng DYCI High School sa hanay ng 327 koponan mula sa 32 bansa na lumahok sa WRO na isinagawa sa Pojang City, South Korea.
“Their loss last year made them more determined, more focused; it was their inspiration and motivation to do better this year,” dagdag pa ni Yanga.
“I tip my hats off to them, kasi kahit limited tayo sa facilities, they never surrender, and I would say, lamang tayo sa creativity at perseverance,”paliwanag pa ni Yanga. Ngayong nasungkit na ng DYCI High School ang gintong medalya, sinabi ni Yanga na hindi ito nangangahulugang titigil na sila at muling lalahok sa susunod na WRO sa United Arab Emirates sa Nobyembre 18-22, 2011.
“This is just the beginning and we hope that our accomplishment will serve as inspiration to other to aim higher and never surrender,” dagdag pa ni Yanga.