Sasakyan ng kidnappers tumirik, trader nasagip

MANILA, Philippines - Dahilan sa pagtirik ng sa­­sak­yan na nawalan ng ga­solina, nasagip ng mga awtoridad ang isang negosyanteng Tsinoy na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa General Santos City, ayon sa ulat kahapon. Ang biktima ay nakilalang si William Go, may-ari ng Mandayao Mar­keting, buy and sell ng mga mais. 

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 12, naganap ang pagdukot sa biktima sa loob ng establisimento nito na mata­tagpuan sa kahabaan ng Leon Llido St., Brgy. City Heights sa lungsod dakong alas-2:40 ng hapon. 

Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nag-iisa sa loob ng kaniyang establisimento ang biktima ng pasukin ng apat na armadong suspek. Ang mga suspek ay ­mabilis na tumakas tangay ang biktima na ginamit pa ang lumang modelo ng Toyota Corolla ( WCL 392) ng negosyante.

Agad namang nagsagawa ng pursuit operations ang mga awtoridad ng mabatid ang insidente. 

Gayunman, tumirik ang be­­hikulo ng negosyante ma­tapos mawalan ng gasolina kaya na­pilitan ang mga kidnappers na abandonahin ang biktima sa takot na maabutan ng tumutugis na mga awtoridad. Nailigtas si Go, bandang alas-5:55 ng gabi habang pa­palabas na ng lungsod ang mga kidnapper na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Show comments