Sasakyan ng kidnappers tumirik, trader nasagip
MANILA, Philippines - Dahilan sa pagtirik ng sasakyan na nawalan ng gasolina, nasagip ng mga awtoridad ang isang negosyanteng Tsinoy na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa General Santos City, ayon sa ulat kahapon. Ang biktima ay nakilalang si William Go, may-ari ng Mandayao Marketing, buy and sell ng mga mais.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 12, naganap ang pagdukot sa biktima sa loob ng establisimento nito na matatagpuan sa kahabaan ng Leon Llido St., Brgy. City Heights sa lungsod dakong alas-2:40 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nag-iisa sa loob ng kaniyang establisimento ang biktima ng pasukin ng apat na armadong suspek. Ang mga suspek ay mabilis na tumakas tangay ang biktima na ginamit pa ang lumang modelo ng Toyota Corolla ( WCL 392) ng negosyante.
Agad namang nagsagawa ng pursuit operations ang mga awtoridad ng mabatid ang insidente.
Gayunman, tumirik ang behikulo ng negosyante matapos mawalan ng gasolina kaya napilitan ang mga kidnappers na abandonahin ang biktima sa takot na maabutan ng tumutugis na mga awtoridad. Nailigtas si Go, bandang alas-5:55 ng gabi habang papalabas na ng lungsod ang mga kidnapper na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
- Latest
- Trending