ZAMBALES, Philippines – Nagsilbing pundasyon para mas lalong mapaunlad ang paghahatid ng mga serbisyong panlipunan sa mga mamamayan ay ang sistematikong pagbabago na ipinamalas ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. sa kanyang unang 100-araw na panunungkulan.
Ito ang nilalaman ng “100 Days Report” ni Ebdane sa mga Zambaleños na sinambit sa harapan ng kapitolyo kamakailan.
Kabilang aniya ang tumaas na revenue generation, ang pinalawak pang serbisyong panlipunan, at ang pinaghusay na sistema para sa pamamahala ng mga resources ng lalawigan.
“Sa unang 100 araw, inilatag natin ang pundasyon para sa isang mas mahusay na sistema, makatotohanang programa ng pagbabago at pag-unlad para sa isang produktibo at pro-aktibong Zambales," pahayag pa ni Ebdane. Ipinagmalaki rin ng gobernador ang aniya’y kapuri-puri at mas pinalakas na “Team Zambales."
Sinabi pa ni Ebdane na isinusumite niya ang sarili at ang mga kawani sa pagsusuri ng taumbayan upang patunayan ang transparidad ng panlalawigang pamahalaan na pinatatakbo sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon pa kay Ebdaner, aabot sa P2.24 milyon revenue ang natipon ng panlalawigang pamahalaan sa loob lamang ng tatlong buwan na panunungkulan kumpara sa P2.23-milyon sa anim na buwang koleksyon na naitala ng mga nakalipas na administrasyon mula Enero-Hunyo 2010.