BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Isa sa anim na sinasabing suspek sa brutal na pagkidnap at pagpatay sa mag-asawang Tsino ang sinapian ng espiritu ng mga biktima sa loob ng bilangguan sa Isabela.
Si Allan Castillo na itinuturong kumatay sa tatlong biktima ay biglang sinapian habang nakakulong matapos na magsisigaw ito at magsalita ng Mandarin at ipinagtapat kung paano ginawa ang pamamaslang.
Ayon sa source, ang kaluluwa na sumapi sa suspek ay espiritu ng mag-asawang Rosemarie Pua, 39; at Lucio Pua, 38; at ang kanilang business partner na si Gemma Estrada-Eugenio, 44; na kinatay noong Sept. 6, 2010
Maging ang mga awtoridad ay hindi makapaniwala na sinapian ang killer, subalit ang nakapagtataka ay nakapagsasalita ng Mandarin kung saan sa buong buhay niya ay hindi makaintindi ng kahit isang salita ng Intsik.
Isa ring video clip na nakuhanan sa loob ng Echague police jail ang nagpapatunay na sinapian nga ang suspek kung saan isang matinis na boses ng babae na nagma-Mandarin ang nakikita na si Castillo ay sinapian.
“What I know is that the possession incident happened three days after we took custody of the possessed suspect,” pahayag ng isang police officer.
Maliban kay Castillo ay nakapiit ngayon ang iba pang suspek na sina Jaylord Dimal, Eduardo Sapipi, Arvin Guirao, Robert Baccay na nahaharap sa kasong kidnapping at multiple murder.
Nauna rito ay inamin ni Sapipi ang brutal na pagpatay sa tatlong biktimang kinatay, isinilid sa dalawang drum at itinapon sa iba't ibang lugar.