17-anyos tumalon sa tulay todas

MANILA, Philippines - Lumundag sa kaniyang kamatayan ang isang 17-anyos na binatilyo matapos itong tumalon mula sa isang mataas ng tulay  sa bigong pagtatangka na iligtas ang kaniyang buhay laban sa anim na rugby boys na humahabol dito sa Davao City, kamakalawa ng gabi. Ang bangkay ng bik­timang kinilalang si Nelmar Flores ng Bolton Isla, Da­vao City ay narekober kahapon dakong alas-10 ng umaga matapos itong lumutang sa baybayin ng Davao Gulf sa Brgy. 76-A Bucana ng lungsod na ito. Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 11, bandang alas-8:45 ng  gabi ng tumalon ang biktima sa mataas na tulay ng Bol­ton Bridge sa nasabing lugar. Ayon sa imbestigasyon, susunduin sana ng biktima ang kaniyang nobya sa Agro Industrial College compound ng mapagtripan ito ng anim na rugby boys na agad sinugod at sinaktan ang binatilyo.Nagawa namang makatakbo ng biktima at ng malapit na itong masukol ng mga suspek na armado ng patalim ay napilitang tumalon sa tulay na nagbunsod sa kaniyang kamatayan.

Show comments