MANILA, Philippines - Nakaamba ang pagsalubong ni kamatayan laban sa isang elementary principal matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaki na sinasabing mga tauhan ng talunang kandidato sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kahapon ng umaga. Limang bala ng baril ang tumama sa katawan ni Anthony Ambel, 49, ng Barangay Buayan, punong-guro sa Dado Elementary School. Sa ulat ni P/Senior Supt. Marcelo Pintac, naganap ang insidente sa balkonahe ng bahay ng biktimang nagpapahangin bandang alas -5:30 ng umaga. Nabatid na maraming supporter ng mga kandidato ang nakabangga ng biktima sa polling precinct habang isinasagawa ang botohan at canvassing kaugnay ng barangay at Sangguniang Kabataan elections. Pinaniniwalaang may kaugnayan sa ginampanang trabaho sa polling precinct ng biktima ang isa sa motibo ng pamamaril.