2 konsehal nagbarilan
MANILA, Philippines - Kapwa nakikipaglaban kay kamatayan ang dalawang kandidatong konsehal na mahigpit na magkalaban sa pulitika matapos na magbarilan sa bisinidad ng Barangay Tabuc Suba sa bayan ng Jaro, Iloilo noong Lunes. Si Alejo Arellado na natalong barangay konsehal ay nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nasa West Visayas State University Medical Center sa Iloilo City habang si Nonito Jigona na nanalong konsehal ay nasa Iloilo Mission Hospital. Ayon sa pulisya, nahaharap sa kasong kriminal ang dalawa kabilang na ang paglabag sa Comelec gun ban. Naganap ang barilan sa bisinidad ng Petalsville Subdivision kung saan nag-iinuman si Arellado kasama ang kanyang grupo bunga ng pagkatalo sa katatapos na eleksyon nang dumaan ang grupo ni Jigona. Sa puntong ito ay nagbatian ang dalawang grupo hanggang sa magkaasaran, magtalo na nauwi sa barilan sa pagitan nina Jigona at Arellado.
- Latest
- Trending