BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawang babae ang kumpirmadong nasawi habang apat iba pa ang nawawala makaraang lumubog ang pampasaherong bangka sa karagatan ng Barangay Maura, Aparri, Cagayan noong Martes. Kinilala ni P/Senior Supt. Mao Aplasca, Cagan police director, ang isa sa nalunod na si Myrna Selina habang pinaghahanap naman ang apat pang nawawala na sina Daniel Peralta, Amboy Osorio, Agosto Calipini at isang babae. Samantala, nailigtas naman ng rescue team sina Jomar Bumagat, Roman Baloloy, Jessie Besario, Antonio Andave, Freddie Pedronan, Richard Bacunana, Mariano Bacunana at si Randy Capalaran. Napag-alamang naglalayag sa karagatan ang M/V 8 Brothers na may lulang 12-pasahero nang balyahin ng malalakas na alon. Bunsod nito ay nagkaroon ng pinsala ang bangka kung saan nagdesisyon ang bangkero na bumalik sa pampang pero tuluyang lumubog.