Kandidato 'di-ibinoto, namaril
MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang kandidato sa pagka-councilor matapos mamaril sa mga tumangging iboto siya sa naganap na karahasan sa Sitio Aningan, Barangay Luyang sa bayan ng San Remegio, Cebu kamakalawa.
Tinamaan ng bala sa kanang tuhod si Douglas Cabiao na naisugod sa Don Severo Verallo Memorial District Hospital sa Bogo City, Cebu.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Kim Ochea Sanchez alyas Mikmik.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nangampanya si Sanchez sa pamilya ni Cabiao kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections pero tumangging iboto ang una dahil may napupusuan na silang kandidato.
Labis naman ikinagalit ng suspek kaya pinalibutan ang bahay ng pamilya Cabiao at pinagbabaril.
Nagawa namang makadapa ng ilang miyembro ng pamilya Cabiao subalit tanging si Douglas ang tinamaan. Joy Cantos
- Latest
- Trending