Bus vs jeepney: 5 pasahero pisak

BATANGAS, Philippines  — Lima-katao ang iniulat na nasawi samantalang 23 iba pa ang sugatan matapos magsal­pukan ang pampasa­he­rong bus at cargo jeepney sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (Star) Tollway sa bayan ng Ibaan, Batangas kahapon ng umaga.

Kinilala ni Chief Inspector Von Nicasio, hepe ng Lipa City fire department ang tatlo sa limang nama­tay na sina Gilbert Cala­luan, 30, ng Barangay Isla Verde, Batangas City; Mar­celo Bagos, 42, ng Baran­gay Bucal, San Isidro, Tingloy, Batangas at ang konduktor ng bus na si Aben Llanes, 41, ng San Vicente, Albay.

Samantala, dalawang babae na may edad na 50 hanggang 60-anyos, naka­suot ng bulaklaking blouse at maong pants at ang isa naman ay nakasuot ng striped na jacket at t-shirt na may tatak na Winnie the Pooh at maong pants ang nakalagak sa San Fer­nando Funeral Homes.

Sugatan naman ang driver ng jeepney na si Rodrigo Simon, mga pasa­herong sina Ernesto Ma­ralit, 53; Feliza Atienza, 68; Girlie Yabut, 25, call center agent; Lucia Amor, 32; Rogelio Pule, 45; Redelon Gibe, 29; Ronalyn Peradilla at ang driver ng bus na si Rotillo Simon.

Ayon kay Chester Villa­fuerte, Emergency Response Unit crew ng Red Cross-Batangas, labing-apat na sugatan ang isinu­god sa Batangas Regional Hospital, walo sa St. Pat­rick Hospital at isa naman sa Golden Gate Hospital.

Sa inisyal na ulat, ban­dang alas-5:30 ng umaga nang sumalpok sa kasalu­bong na cargo jeepney (DRA-522) ang Jam Bus Liner (DXV511) pagsapit sa Kilometer 98 Star Tollway sa Barangay Quilo Ibaba, sa bayan ng Ibaan.

Nabatid na nag-overtake ang bus na patungong Batangas City mula May­nila nang kabigin ng dray­ber pakanan matapos ma­salubong ang jeepney ni Rodrigo Simon at ma­hulog sa may 25-talam­pakang lalim na bangin.

Naganap ang trahedya ilang oras bago magbukas ang mga presinto para sa barangay at Sangguniang Kabataan polls.

Show comments