MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang iniulat na napaslang habang tatlong iba pa ang sugatan matapos sumiklab ang madugong sagupaan ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army, tribal group laban sa mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Bisig City, Surigao del Sur, kamakalawa.
Dalawa sa napatay ay mula sa Datu Dumogoy Tribal Group at isa sa rebeldeng NPA na patuloy na bineberipika ang pagkakakilanlan ng pulisya.
Samantala, sugatan naman ang tatlong katutubo ng Datu Dumogoy Tribal Group, ayon sa police report.
Base sa ulat ng PNP-Caraga Region na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sagupaan pasado alas-5 ng umaga sa liblib na bahagi ng Sitio Mabog, sa Barangay San Roque.
Sinasabing nagsanib puwersa ang 75th Infantry Battalion ng Phil. Army at grupo ng tribong Datu Dumogoy laban sa mga rebelde na tumagal ang engkwentro ng halos 30-minuto bago nagsiatras matapos malagasan.
Narekober ang bandera ng NPA (Hukbong Bayan), tatlong M-14 Armalite rifles, 3-landmine, dalawang gra nada, 2-rifle grenades, assorted medicines, at dental kit.
Ipinag-utos na ni P/ Chief Supt. Reynaldo Rafal, Caraga PNP regional director, na maglatag ng 24oras na checkpoint sa lahat ng PNP municipal station sa lalawigan para paghandaan ang barangay at SK elections sa Oktubre 25.