MANILA, Philippines - Apat katao ang nasugatan matapos na tupukin ng apoy ang bodega ng Tanduay Distillers Inc., isang pabrika ng alak sa sunog na tumagal ng halos sampung oras umpisa nitong Huwebes ng gabi hanggang kahapon ng madaling-araw sa Cabuyao, Laguna.
Sa ulat ng Laguna Provincial Police Office (PPO), kabilang sa mga nasugatan ay sina Troy Siojo, 31-anyos, manggagawa, nagtamo ng halos 70 % ng sunog sa kaniyang katawan, ang bumberong si Albert Matulac, 37, miyembro ng Quezon City Fire Station at dalawang iba pa na hindi natukoy ang pangalan. Base sa imbestigasyon, ang sunog ay nagmula sa storage room ng gusali na pinagiimbakan ng mga sangkap sa paggawa ng alak dakong alas-7:45 ng gabi noong Huwebes.
Ayon kay Supt. Dante Novicio, hepe ng Cabuyao Police, ang sunog ay mabilis na kumalat patungo sa isa pang gusali sa production line ng Tanduay Distillers Inc. na matatagpuan sa compound ng Asia Brewery sa Brgy. Sala, Cabuyao ng lalawigang ito. Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga arson investigator ang sunog upang madetermina ang sanhi ng insidente habang aabot naman sa 20 pamilya na naninirahan sa palibot ng planta ang nagsilikas sa kainitan ng sunog.
Nabatid pa sa opisyal na bago kumalat ang apoy ay nakarinig ng malakas na pagsabog ang mga manggagawa at empleyado ng Tanduay Distillers Inc. at nahirapan ang mga bumbero na maapula ang sunog dahilan sa mga nakaimbak na kemikal at alcohol na ginagamit sa paggawa ng alak. Naapula ang apoy dakong alas-5 ng umaga nitong Biyernes.