Misis ni Lucio Tan pinalaya na
MANILA, Philippines - Matapos ang isang linggong pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnaper ang bihag na Filipino- Chinese na misis ng hardware owner na si Lucio Tan na kinidnap sa Cotabato City, ayon sa opisyal kahapon. Kinumpirma ni Col. Ernesto Aradanas, Commander ng Army’s 603rd Brigade ang pagpapalaya ng mga kidnaper sa biktimang si Conchita Tan, 73-anyos, may-ari ng LCT Hardware na matatagpuan sa kahabaan ng Don Rufino Alonzo St. sa lungsod ng Cotabato. “The kidnappers freed the victim, she’s on her way to Manila for her medication", ani Aradanas sa phone interview kung saan sinabi nito na sumakay na kahapon ng 12:15 tanghali ng Cebu Pacific flight sa Cotabato City patungong Maynila ang biktima. Sinasabing ang biktima ay namataang naglalakad sa pagitan ng hangganan ng Maguindanao, Cotabato at North Cotabato kahapon bandang alas-9:40 ng umaga at maayos na nakabalik sa kaniyang pamilya sa Cotabato City. Kasalukuyan namang inaalam kung nagbayad ng ransom ang pamilya ng biktima sa mga kidnaper kapalit ng kalayaan nito. Ma gugunita na si Mrs. Tan ay dinukot ng mga armadong kalalakihan noong Oktubre 8 sa Purok Salvacion, Brgy. Rosary Heights 2, Cotabato City kung saan napatay sa shootout ang driver nitong si Alvin Doruelo at security escort na si Richard Emberga.
- Latest
- Trending