CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Nasa balag ng alanganing makasuhan ang isang municipal councilor at tatlo nitong alalay makaraang masangkot sa salvage try laban sa isang supporter ng kakandidatong barangay chairman sa bayan ng Rosario, Cavite, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay P/Senior Supt. Danilo Maligalig, Cavite police director, posibleng masampahan ng kasong frustrated murder sina Councilor Mao Luna, Jr. at tatlo nitong alalay sa tangkang pagpatay kay Jomel Solmayon, 36.
Lumilitaw na kinaladkad si Solmayon mula sa loob ng Dabarkads Bar ng grupo ni Councilor Luna at isakay sa kotse kung saan pinagtulungang gulpihin.
Kasunod nito, itinulak palabas ng kotse ang biktima saka pinagsasaksak bago inabandona sa open canal sa bayan ng General Trias, Cavite.
Nagkunwaring patay ang biktima kaya iniwan ng mga suspek kung saan isa sa grupo ang nag-uutos na barilin sa ulo ang duguang katawan ni Solmayon pero hindi na ito itinuloy sa pag-aakalang patay na siya.
Makalipas ang 4-oras ay natagpuan ng mga ilang residente ang biktima at naisugod sa ospital.
Nabatid na si Solmayon ay supporter nang makakalaban ng ama ni Luna sa barangay at SK eleksyon sa October 25.
Mariin namang itinanggi ng mag-amang Luna ang akusasyon ni Solmayon. Arnell Ozaeta at Cristina Timbang