CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - Pinaniniwalaang may kaugnayan sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 25 ang naganap na pamamaslang sa mag-asawa at isang anak ng konsehal sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Nabasan sa bayan ng Daraga, Albay kahapon ng madaling-araw.
Napatay ang mag-asawang sina Barangay Kagawad Wilfredo Lotino, 45; Evelyn Lotino, at ang pamangking si Anjo Martos, 20.
Kasalukuyan namang nasa ospital ang anak ng mag-asawang Lotino na si Jenny, 19.
Napag-alamang si Wilfredo ay nasa ikatlong termino at ‘di-na maaring kumandidato kaya ang ipinalit ay ang kanyang asawang si Evelyn habang si Anjo na nakitulog lamang sa tahanan ng mag-asawa ay anak ng barangay kagawad na muling kakandidato.
Lumilitaw sa imbestigasyon, naganap ang krimen dakong alauna ng madaling-araw habang ang mga biktima ay natutulog sa loob ng kanilang bahay.
Malaki ang posibilidad na may kaugnayan sa politika ang nalalapit na eleksyon, ang naganap na pamamaslang sa tatlo.