KIDAPAWAN CITY, Philippines — Dalawang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi habang lima naman ang nasugatan sa bakbakan na naganap sa Barangay Nanga-an sa bayan ng Kabacan, North Cotabato, kamakalawa ng gabi. Batay sa report na nakalap ni Fred Edillor, Secretary-General ng Moro National Liberation Front (MNLF) Sebangan Kutawato State Revolutionary Committee, grupo umano ni Commander Kineg ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pumasok sa Barangay Nanga-an para muling kontrolin ang lugar. Gayunman, nanlaban ang mga residente sa lugar na karamihan ay kasapi ng MNLFsa ilalim ng liderato ni Commander Dima Ambel na nagbunsod sa bakbakan. Todo tanggi naman si MILF Political Affairs chief Ghadzali Jaafar na mga tauhan nila ang unang lumusob sa komunidad ng MNLF. Sa halip sinabi nito na mga tauhan ni Commander Ambel ang naghasik ng lagim sa kanilang hanay at dito’y may 200 residente ang nagsilikas. Ayon kay Lt. Col. Cesar Sidello, Commander ng Army’s 602nd Brigade alitan sa lupa ang ugat ng sagupaan ng magkabilang puwersa.