MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang isa pang miyembro ng Civilian Volunteers Organization (CVO) na kabilang sa mga wanted sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao sa operasyon sa Glan, Sarangani kamakalawa.
Kinilala ni Sarangani Provincial Police Office (PPO) Director Supt. Floren do Quidilla ang nasakoteng suspek na si Samsodin Daud, 25-anyos, isang miyembro ng Civilian Volunteers Organization (CVO) ng mga Ampatuan.
Ang maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na kinabibilangan nina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr at iba pang itinuturong mastermind sa massacre.
Bandang alas-5 ng hapon ng masakote ang suspect sa bahay nito sa Brgy. Caluya, Glan, Sarangani.
Ang suspect, ayon kay Quidilla ay may patong sa ulong P250,000.00 ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte kaugnay ng pagkakasangkot nito sa malagim na Maguindanao massacre.
Nabatid na ang suspect ay kabilang sa mahigit 100 CVO na sangkot sa pangma-massacre sa mga biktima, 32 dito ay mediamen sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.