Ex-MNLF commander, misis utas sa ambush

MANILA, Philippines - Patay ang isang dating Commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) rebels at misis nito matapos na paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa President Quirino, Sultan Kudarat nitong Hu­webes.

Kinilala ang mga na­sawing biktima na sina Sab­dullah Kanapia alyas Com­mander Bukoh noong aktibo pa sa MNLF rebels, 47-anyos at asawang si Lira Kanapia, 38; kapwa residente ng Barangay Proper Sinakulay, President Quirino.

Sa phone interview, sinabi ni AFP-Eastern Min­danao Command (AFP-Eastmincom) Spokesman Lt. Col. Randolph Cabang­bang, naganap ang insi­dente malapit sa bahay ng mag-asawa sa Purok 6, Brgy. Sinalukay ng natu­rang bayan dakong alas-8:40 ng umaga.

Nabatid na pauwi ang mag-asawang Kanapia ga­ling sa pagbisita sa kani­lang bukirin nang harangin ng mga hindi nakilalang lalaki saka pinaulanan ang mga ito ng bala.

Agad namang tumakas ang mga suspek na tu­mahak sa direksyon ng ka­ gubatan matapos na ma­puruhan ang kanilang target na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober ng mga nag­respondeng awtoridad sa crime scene ang mga basyo ng bala ng M-16 armalite rifle, cal 5.56 MM.

Kasalukuyan pang ini­imbestigahan ang kasong ito upang matukoy at ma­panagot sa batas ang mga salarin.

Show comments