Ex-MNLF commander, misis utas sa ambush
MANILA, Philippines - Patay ang isang dating Commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) rebels at misis nito matapos na paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa President Quirino, Sultan Kudarat nitong Huwebes.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Sabdullah Kanapia alyas Commander Bukoh noong aktibo pa sa MNLF rebels, 47-anyos at asawang si Lira Kanapia, 38; kapwa residente ng Barangay Proper Sinakulay, President Quirino.
Sa phone interview, sinabi ni AFP-Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) Spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, naganap ang insidente malapit sa bahay ng mag-asawa sa Purok 6, Brgy. Sinalukay ng naturang bayan dakong alas-8:40 ng umaga.
Nabatid na pauwi ang mag-asawang Kanapia galing sa pagbisita sa kanilang bukirin nang harangin ng mga hindi nakilalang lalaki saka pinaulanan ang mga ito ng bala.
Agad namang tumakas ang mga suspek na tumahak sa direksyon ng ka gubatan matapos na mapuruhan ang kanilang target na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Narekober ng mga nagrespondeng awtoridad sa crime scene ang mga basyo ng bala ng M-16 armalite rifle, cal 5.56 MM.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang kasong ito upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga salarin.
- Latest
- Trending