BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Hindi pa nareresolba ang kaso ng gang rape laban sa isang volunteer nurse sa South Upi, Maguindanao at dalawang hasykul student sa Cadiz, Negros Occidental, isa na namang 13-anyos na mag-aaral ang nadale ng gang rape sa bayan ng Gonzaga, Cagayan ayon sa ulat ng pulisya.
Sa reklamo ng 2nd year high school student na itinago sa pangalang Myrna mula sa Rebecca National High School, inihayag nito na dalawang beses siyang ginahasa ng siyam na lalaki sa irrigation canal sa Barangay Sica, Gonzaga sa Cagayan noong Setyembre 22 at 25.
Sa ulat ni P/Senior Insp Dominador Caday, hepe ng Gonzaga PNP, isa sa mga itinuro ng biktima na suspek ay ang kanyang kasintahang si Jeric Cadayuna, 18, habang ang pito kabilang si Junel Cauitan, 25 ay estudyante ng Rebecca National High School at ang isa pang out-of-school youth na pawang nakatira sa Brgy. Pateng.
Sa naunang insidente, niyaya ang biktima ng kasintahan sa irrigation canal sa Sitio Tunnel para sa kanilang date kung saan naganap ang maitim na balak habang ang anim na iba pa ay nanonood at nagpapalakpakan.
Sa kabila nito, natakot ang biktima na magsumbong sa kanyang lola.
Sa ikalawang pagkakataon ay muling niyaya ang biktima ng kasintahan dahil nais makipagbati sa kanya subalit sa pagkakataong ito ay halinlinan na siyang ginahasa ng siyam na lalaki kabilang ang kaniyang naghudas na kasintahan.
Dito ay nagsumbong na ang dalagita sa kanyang lola at sinamahan siya sa pulisya at ipinaaresto ang mga suspek.
Pinag-aaralan ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa isang guro na unang nilapitan ng biktima upang humingi sana ng tulong subalit nagwalang kibo lamang.