OLONGAPO CITY, Philippines – Nabuko ang inililihim na P3.1 milyong kontrata sa pagtatapon ng basura mula sa lalawigan ng Pampanga patungo sa dumpsite ng Olongapo City.
Ayon kay Olongapo City Vice Mayor Rolen Paulino, iligal ang pagpapahintulot ng city hall sa kontratista mula sa Pampanga na itambak ang tone-toneladang basura sa dumpsite sa Barangay New Cabalan sa Olongapo dahil hindi pa naaaprobahan ng konseho ang kontrata.
“Dahil wala pang approval ang kontrata, palihim naman ang ginagawang pagtatambak ng basura sa landfill ng Olongapo,” dagdag pa ni Paulino.
Napag-alaman pa umaabot sa 45 truckload ng basura mula sa Pampanga ang palihim na ipinapasok sa dumpsite at nagbabayad ng P2,300 kada trak na may kabuuang P3,105,000 kada buwan.
Dahil sa pagdagsa ng mga trak ng basura ay umalingasaw ang napakasangsang na amoy hanggang kabahayan.
“Nakakasuka ang amoy na nagmumula sa tumatagas na katas ng nabubulok na basura kung kaya dumami ang mga langaw sa Cabalan at nakaamba ang panganib sa kalusugan ng mga residente,” wika pa ng opisyal
Ngayon lamang nakaranas ang mga basurero na bumaligtad ang kanilang sikmura dahil sa masangsang na amoy ng basura.
Ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapahinto sa pagtatapon ng basura mula sa Pampanga dahil sa paglabag sa klasipikasyon ng ahensya.