Opisyal ng kompanya nilikida
CEBU CITY, Philippines — Isa na namang opisyal ng Taiheiyo Cement na nakabase sa bayan ng San Fernando ang napaslang makaraang tambangan ng motorcycle-riding gunmen sa bahagi ng Mansueto Subdivision sa Barangay Bulacao, Talisay City, Cebu noong Sabado ng gabi.
Si Ernesto Silverio Porras, 49, assistant plant manager ay ikalawang opisyal ng nabanggit na kompanya na pinaslang sa hindi pa mabatid na dahilan.
Lumilitaw na si Porras ay lulan ng puting Kia Sorrento (YAZ-160) kasama ang kanyang mag-inang Caferina Mar, at anak na 14-anyos na babae at ang dalawang helper na sina Catherine Hellecenia at Diary Dumada-ug.
Nabatid na pauwi ang biktima mula sa pag-aaring tindahan sa kahabaan ng N. Bacalso Avenue nang nakasalubong si kamatayan.
Ayon kay PO3 Edwin Albarado, si Catherine ay tinamaan sa kanang dibdib subalit out of danger habang ang anak at dalawang helper ay nakaligtas.
Magugunitang noong Hunyo 25, tinambangan subalit nakaligtas ang marketing manager ng Taiheyo Cement na si Nestor Zamoras sa panulukan ng Gorordo and Cardinal Rosales Ave. sa Barangay Kamputhaw, Cebu City. Naaresto naman ang mga suspek na sina Orlando Sgnoy, 30, ng Brgy. Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu; Roberto Terciro ng Mohon, Toledo City; at si Jerome Noel ng Brgy. Banawa, Guadalupe. Freeman News Service
- Latest
- Trending