LUCENA CITY, Philippines — Naghihimas ng rehas na bakal ang isang 31-anyos na pinaniniwalaang fixer sa LTO-Lucena City, Quezon matapos na maaresto ng pulisya dahil sa pagpapanggap na opisyal ng LTO at pangongolekta ng pera, kamakalawa. Kakasuhan ng usurpation of authority at estafa ang suspek na si Ervin Sotomayor ng Sariaya, Quezon.
Sa ulat ng pulisya, nagreklamo si Hubert Durian kaugnay sa pangongolekta ng suspek ng P1,800 para sa registration ng kanyang motorsiklo. Subalit makalipas ang isang buwan ay hindi na nagpakita ang suspek at hindi na din ito makontak sa telepono kaya nagpatulong sa kanyang pamangking si Alvin Rogelio. Dito na nakontak ni Rogelio ang suspek kung saan nagpanggap ang una na magpaparehistro ng motorsiklo. Nang magkasundo sa presyo ay nagtakda ng usapan ang dalawa sa fastfood chain sa Grand Terminal at nang hawak na ng suspek ang marked money ay inaresto na ito ng pulisya sa pangunguna ni P/Senior Insp. Fernando Reyes III.