Lover ni misis todas kay mister
QUEZON, Philippines — Dahil sa pagiging chikboy at pakikialam sa may asawa ng iba, napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang 19-anyos na lalaki matapos na pagsasaksakin ng isang mister sa Barangay San Diego sa bayan ng Gumaca, Quezon kamakalawa ng gabi.
Animo’y kinarne ang katawan ni Jaymar Hanapin ng Barangay Villa Padua habang tumakas naman ang suspek na si Marvin Cantre, 30, ng nabanggit na barangay.
Sa pagsisiyasat ni PO1 Arnel Valdepena, lumilitaw na nakaabot sa kaalaman ng suspek na ang kanyang misis ay karelasyon ang biktima kaya tinungo nito ang kanilang tahanan.
Sa pag-aakalang mag-isa sa bahay ang kanyang misis para komprontahin ay nadatnan nito ang biktima at ang babae na magkausap.
Dito nagulantang ang biktima matapos maaktuhan na nakikipag-usap sa misis ng suspek sa loob ng bahay kaya mas mabilis pa sa kidlat na tumakas saka tumalon sa likurang bahagi.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon at hinabol ng suspek ang papatakas na biktima at nang maabutan ay walang habas na pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Napag-alamang naglakad naman ang suspek papalayo ng crime scene na animo’y walang naganap na krimen.
- Latest
- Trending