CAMARINES NORTE, Philippines — Aabot sa labing-apat na mangingisda ang nalambat ng mayor’s task force at pulisya makaraang maaktuhan sa illegal fishing sa karagatang sakop ng Brgy Pinagtigasan, Calaguas islands sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte. Pormal na kinasuhan ang mga mangingisda na pinangunahan ni Reynaldo Flora ng Sitio Sugod, Brgy Banocboc. Batay sa ulat mula sa opisina ni Mayor Agnes Diezmo-Ang, ang F/B Maridel na isang commercial fishing boat ay unang nakorner ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation subalit muling nagsagawa ng illegal fishing. Ang nasabing fishing boat ay naaktuhang gumagamit ng boli boli fishing net sa may 5 kilometrong layo sa shoreline ng Brgy. Pinagtigasan na pag-aari ni Pedro Rivero ng bayan ng Paracale, Camarines Norte. Nagpaabot ng pasasalamat ang mga maliliit na mangingisda sa ipinapakitang tapang at sipag ni Mayor Ang.