Coed nakipag-break sa bf, sinaksak
MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na college student ang malubhang nasugatan makaraang pagsasaksakin ng kaniyang ex-boyfriend na nagtangka ring mag-suicide dahil sa pakikipag-break ng una sa loob ng motel sa La Paz District, Iloilo City kamakalawa ng umaga.
Kapwa nasa West Visayas State University Medical Center ang babae na itinago sa pangalang Melba, 1st year sa kursong BS Accountancy sa Central Philippine University habang 3rd year Engineering student naman ang suspek na si Paul Divinagracia, 20.
Sa phone interview, sinabi P/Senior Supt. Dennis Basngi, director ng Iloilo City PNP, ayaw pa nilang magbigay ng konklusyon sa insidente upang mapangalagaan ang pangalan ng menor-de-edad na biktima habang nasa proseso pa ng imbestigasyon.
Lumilitaw na nakipagkita si Melba kay Divinagracia kung saan nag-check-in pa ang dalawa sa motel sa La Paz District.
Palaisipan sa pulisya ang ginawa ni Melba na sumama sa lodging inn sa dating kasintahan gayung nakipagkalas na ito.
Ayon kay Basngi, hindi pa makausap ang dalagita dahil iniinda pa nito ang tinamong sugat sa kaliwang bahagi ng likod na muntik tumagos sa kidney.
Tinangka rin ni Divinagracia na mag-suicide matapos magsaksak sa tiyan dahil sa pagka-desperado.
Nagawa namang makagapang ng duguang dalagita palabas ng kuwarto ng motel para makahingi ng saklolo.
- Latest
- Trending