Food-for-work vs dengue
ZAMBALES, Philippines – Matagumpay na nailunsad ang food-for-work program ng lokal na pamahalaang ng Iba na nilahukan ng mga residente upang makaiwas sa sakit na dengue.
Pinangunahan ni Mayor Ad Herbert Deloso, ang pamamahagi ng 870 kabang bigas na tinanggap ng munisipyo mula sa pamahalaang nasyunal sa tulong ng World Food Program Organization at Community and Family Services Incorporated.
“Malaking tulong ang programa, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan, dahil bawat araw na pagtatrabaho ay may katumbas na 10-kilong bigas. Nakatulong ka na sa paglilinis ng komuninad upang makaiwas sa sakit na dengue, nakinabang ka pa,” wika ni Mayor Deloso.
Sa pangangasiwa ng tanggapan ni Sixta Bangug, hepe ng Municipal Social Welfare and Development (DSWD) office, pangunahing nakinabang sa proyekto ay mga vulnerable communities at indigent population na malubhang naapektuhan ng bagyong “Ondoy” at “Peping” noong Sept. 2009.
Ayon kay Bangug, sa loob ng nagdaang siyam na araw, kanilang nalinis na ang mga daluyan at imbakan ng tubig sa Daloy/Tacar Dirita, Lipay-Dingin at Iba, Galumayen, Tagaeb-Bacoli, Kawayan-Kiling at Bangan-Talinga.
Nakapagtanim din ng 4,000 mangrove seedlings sa Brgy. Palanginan at pagtatanim ng saging sa Lupang Pangako Resettlement area at Brgy Amungan.
- Latest
- Trending