MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na kalalakihan na itinutu rong sangkot sa gang rape laban sa isang 21-anyos na nurse matapos maaresto ng pulisya noong Martes sa South Upi, Maguindanao noong Sabado ng gabi.
Kabilang sa mga kinasuhan sa sala ni Prosecutor Akilali Balt ay sina Michael Candelario, Rouscon Sanglap, Darwin Escalona, Glenn Saldua, Eugene Biscarra at si Jeffrey Fernandez.
Ang mga suspek ay itinuro ng biktimang tinukoy lamang sa pangalang Olive ng South Upi District Hospital at nakatira sa PC Hill, Cotabato City.
Base sa police blotter, ang biktima ay papauwi na sana matapos bumisita sa kanyang kaibigang midwife nang harangin at kaladkarin sa maisan ng mga suspek.
Tinangka pa ng mga suspek na paslangin ang biktima matapos pukpukin ng bato at paghahampasin ng kahoy sa ulo bago inabandona sa pag-aakalang patay na.
Natagpuan ng mga kasamahang nurse ang biktima kinabukasan na walang saplot pang-ibaba, sugatan at gula-gulanit ang suot na damit kung saan tulala ito.
Guwardiyado naman ang biktima sa ospital dahil posibleng buweltahan ng tatlo sa anim na suspek ay pawang anak ng mga hepe ng pulisya at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.