MANILA, Philippines - Dahil sa pagsagot ng tawag sa cell phone, isang sports utility vehicle ang nasunog habang nagpapagasolina kamakalawa sa Digos City, Davao del Sur kamakalawa.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-6:15 ng gabi sa Petron gasoline Station sa kahabaan ng Estrada 6th Street sa nabanggit na lungsod.
Napag-alamang nagkakarga ng gasolina ang mag-asawang sina Guillermo at Virginia Ceniza nang tumunog ang cell phone ng lalaki.
Kaagad naman nitong sinagot ang tawag sa cellphone kaya lumikha ito ng pagsiklab sa unang bahagi ng kanyang sasakyang Toyota Revo.
Nasunog ang Revo ng mag-asawang Ceniza habang nadamay din ang motorsiklong katabi nito sa gasolinahan.
Mabilis na nakababa ng kotse ang mag-asawa at agad naapula ang umapoy na sasakyan bago pa ito tuluyang maabo.
Pinaniniwalaang binalewala naman ni Guillermo ang mga babala na nakakadikit sa gasoline station na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng cell phone habang nagpapagasolina.