BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Tinatayang aabot sa P54 milyong tole-tolenadang mine tailings at mga raw mineral na pinaniniwalaang tangkang ipuslit palabas ng nabanggit na lalawigan ang nasabat ng pulisya sa inilatag na checkpoint sa Barangay Magsaysay sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya noong Linggo ng tanghali.
Ayon sa pulisya, ang kontrabando na nagtataglay ng ginto, tanso at manganese ay nakalagay sa loob ng 20-wheeler na truck na may plakang BUB 698 na sinasabing patungong Maynila nang maharang sa checkpoint sa pangunguna nina P/Supt Melchor Cabalza at Danilo Fernandez ng Environment Natural Resources Office.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Elmer Beltejar, umaabot sa 40 tonelada (40,000 kilograms) ang kontrabando ay pinaniniwalaang ipinagbibili sa ibang bansa sa halagang US$30 kada kilo na malayong mas mataas kumpara sa P30 per kilo na ibinabayad sa mga local miner.
Base sa isiniwalat ng source, tatlong alkalde at ilang opisyal ng pulisya na pansamantalang hindi ibinunyag ang mga pangalan ang nasa likod ng iligal na transportasyon at pagmimina sa Barangay Didipio ng Kasibu at Runruno, Quezon.
Naunang inatasan ni Nueva Vizcaya Gov. Luisa Lloren Cuaresma ang kapulisan at environment personnel na arestuhin ang mga nagpupuslit ng mine tailings maging ang mga iligal na minero sa mga minahan sa buong lalawigan.