Utak sa 3 kidnap slay, sumuko
MANILA, Philippines - Matapos ang tatlong linggong pagtatago sa batas, sumuko ang itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa mag-asawang rice trader sa Isabela kamakalawa, ayon sa opisyal kahapon.
Sumuko ang suspek na si Jay Lord Dimal, 28, ng Brgy. Ipil, Echague, Isabela, isa ring rice mill owner at manager sa bodega ng bigas.
Tinukoy naman ang mag-asawa na sina Pan Xinyi na kilala sa pangalang Lucio Pua at misis nitong si Pan Juhua alyas Rosemarie Pua na kapwa 38 at ang isa pa na si Gemma Eugenio, 44, pawang nakatira sa bayan ng Alicia, Isabela.
Si Eugenio ay dealer ng bigas at canvasser habang ang mag-asawa ay may sampung taon na sa rice trading sa bansa.
Ang tatlong biktima ay dinukot noong Setyembre 6 ng gabi habang pauwi kung saan pinaslang saka itinapon ang mga bangkay sa magkakahiwalay na lugar.
Isa sa mga kidnaper na si Eduardo Sapipi ang kumanta hinggil sa pagdukot at pagpatay sa mga biktima na kinatigan naman ng isa pang suspek na si Ernesto Billador na nagturo sa mastermind.
Nabatid pa na itinuro nina Sapipi at Billador ang libingan ng mga biktima na narekober ang duguang mga damit sa crime scene.
- Latest
- Trending