MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng pulisya ang notoryus na carnapping gang kasunod ng pagkakaaresto sa lider ng grupo at tatlo nitong tauhan sa isinagawang operasyon sa Butuan City, Agusan del Norte, ayon sa ulat.
Sumasailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Charlie “Boyet” Lim, may-ari ng Pisces Insurance Agency at tatlo nitong tauhan.
Si Lim na nagmamaneho ng nakaw na kotse na may plakang ZSB 527 ay naaresto ng pu lisya sa Malvar Street sa Butuan City.
Nasamsam sa nabanggit na opisina ni Lim ang mga blangkong LTO, OR, CR forms , LTO validation stickers, license plates at iba pang dokumento na ginagamit sa kanilang modus operandi.
Inaresto rin ang tatlong tauhan ni Lim na sina Roldan Tion, Daisy Lim at Ruby Claverol na isinailalim na sa inquest proceedings noong Biyernes kaugnay ng paglabag sa Anti-Carnapping Act at Falsification of Public Documents.