Bar owner arestado sa gun ban
MALOLOS CITY, Philippines — Isang 59-anyos na bar owner sa Meycauayan City, Bulacan ang kauna-unahang nalambat ng pulisya sa pagpapatupad ng Comelec gun ban kahapon ng madaliang-araw kaugnay ng nalalapit na pambansang Barangay at SK elections.
Pormal na kinasuhan ni P/Senior Supt. Fernando Villanueva, ang suspek na si Rolando Rivera, may-ari ng Star Rock KTV Bar at nakatira sa Bgy. Perez sa nasabing lungsod.
Si Rivera ay naaresto sa inilatag na checkpoint ng pulisya ng Meycauayan City sa pamumuno ni P/Supt. Noli Pacheco, isang oras matapos ipatupad ang Comelec gun ban.
Nasamsam kay Rivera ang isang automatic Carbine rifle na may serial number 68454, magazine assembly na kargado ng mga bala.
Una rito, ipinangako ni Villanueva ang maigting na pagpapatupad ng gun ban sa 21 bayan at tatlong lungsod ng Bulacan matapos na pagbabarilin at nakaligtas sa kamatayan ang kapitan ng barangay sa bayan ng Baliuag noong Huwebes ng gabi.
- Latest
- Trending