QUEZON, Philippines – Pinatay sa saksak ng isang negosyante ang kanyang misis na pinaniniwalaang nakikipagkalas sa kanilang relasyon kamakalawa ng umaga sa Barangay Talolong sa bayan ng Lopez, Quezon.
Labing-isang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Marife Argudo y Aguire, 48, trader habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Ronald Merjudio y Bitoin, 45, negosyante rin.
Ayon kay PO2 Arlan Uriarte, may hawak ng kaso, dakong alas-8:40 ng umaga ay narinig ng mga kapitbahay na nag-aaway ang mag-asawa.
Nabatid na iginigiit ng babae na tapusin na nilang mag-asawa ang relasyon at magkanya-kanyang buhay kung saan ibig sabihin ay maghiwalay.
Hindi naman tinanggap ng mister ang alok ng kanyang asawa at sa halip ay pinagdimlan ito ng isip kung saan tumakbo sa kusina saka kumuha ng kitchen knife at isinagawa ang krimen.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek habang nakakulong.