BATANGAS, Philippines — Muli na namang naghasik ng lagim ang mga rebeldeng New People’s Army matapos pasabugin ang construction site sa Barangay Kaylaway sa bayan ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng gabi. Ayon kay P/Supt. Arcadio Ronquillo, Public Information Officer ng Batangas PNP, siyam na kawani ng JC Rodriguez Construction Corp. ang pinadapa bago pinasabog ang batching plant control room kung saan wala namang nasaktan.Sinubukang sunugin ang water tank, payloader, backhoe, tower light generator at ang compactor subalit hindi ito lumiyab. Napag-alamang binabawalan ng mga rebelde ang pagtatayo ng kalsada para sa housing project ng Land Developer Sandari Batulao sa nasabing lugar.