Commissioner sa ARMM inutas sa cafeteria
MANILA, Philippines - Patay ang isang Provincial Commissioner ng Regional Reconciliation and Unifacation Council (RRUC) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) matapos na pagbabarilin ng nag-iisang salarin sa Cotabato City kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Assib Ibrahim, residente ng Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao. Si Assib ay dead on the spot sa tinamong mga tama ng bala sa kaniyang ulo.
Sa ulat ng Cotabato City Police, naganap ang pamamaril sa biktima sa loob ng Arshed Cafeteria na matatagpuan sa kahabaan ng Sinsuat Avenue, Poblacion 6 ng nasabing lungsod dakong alas-5:30 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon kasalukuyang hinihintay ng biktima ang kaniyang inorder na pagkain ng biglang sumulpot ang suspect na armado ng kalibre 45 na baril.
Arestado naman ang suspect na si Castro Esmael matapos habulin ng mga operatiba ng pulisya nang ituro ng mga testigo na siyang bumaril sa biktima.
Nasamsam mula sa pag-iingat nito ang nasabing armas na may isang magazine na may ilang piraso ng bala.
Nahaharap ngayon sa kasong criminal ang suspect habang narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala at ang ginamit nitong baril sa pagpaslang sa biktima. Hindi naman malinaw kung ano ang motibo sa isinagawang krimen.
- Latest
- Trending